Reading Time: 1 minute

KORONADAL CITY – Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Koronadal ang kaanak ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Jeddah, Saudi Arabia upang magpasaklolo na pauwiin na ito matapos makaranas nang pagmamaltrato sa kasama nitong isa ring domestic helper.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Raymond Dela Cruz, ibinunyag nitong sinasaktan, binubugbog o ‘di naman hinahampas ng tsinelas ang kapatid nitong si Rea dela Cruz, 23, residente ng Norala, South Cotabato ng kaniyang kasama na isang Ethiopian national.

Aniya, halos isang linggo na umano itong ginagawa sa kaniya at hindi na rin nito kaya ang pananakit sa kaniya.

Sinabi umano ni Rea sa kaniyang pamilya na kasalukuyang nasa bakasyon ang kaniyang amo at nakatakdang bumalik sa Agosto 16, 2019.

Dahil dito, nais na nitong umuwi sa Pilipinas bunsod sa mga natamong mga sugat at mga pasa sa kaniyang katawan.

Nabatid na isang buwan at kalahati pa lamang na nagtatrabaho ang Pinay sa naturang lugar.