Nasabat ng mga opisyal at ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang tinaguriang biggest single-day haul ng droga sa bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng sunod-sunod na operasyon ng mga otoridad mula Sabado ng hapon hanggang Linggo ng madaling araw sa Metro Manila.
Ayon kay Brig. Gen. Narciso Domingo, direktor ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG), isinagawa ang unang buy-bust operation noong Sabado.
Nahuli sa operasyon si Ney Saligumba Atadero, 50-anyos at residente ng Ermita, Manila.
Dito nadiskubre ang 890 kilo at 102 gramo na ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.
Isinagawa ang kasunod na operasyon dakong alas -2:30 ng madaling araw sa paligid ng Quezon Bridge sa Quiapo area.
Sinabi ng heneral na sa isinagawang operasyon ay timbog ang isang pulis at nakuha sa kanya ang humigit-kumulang dalawang kilong shabu na nagkakahalaga ng P13.6 million.