-- Advertisements --

Wala pang tiyak na petsa kung kailan maglalabas ng pinal na desisyon ang pamahalaan hinggil sa online gaming policy.

Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, ay sa kabila ng kasalukuyang paghahanda para sa 2026 national budget at ng malaking bahagi ng pondo para sa ilang social programs na nakasalalay sa kita mula sa e-gaming.

Sinabi ni  Castro, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng usapin at aniya’y isusumite pa lamang nito ang National Expenditure Program (NEP) bilang bahagi ng proseso ng pagbuo ng badyet para sa susunod na taon.

Dagdag pa ni Castro, iminungkahi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng konsultasyon kasama ang mga stakeholders, kabilang na ang mga kinatawan mula sa simbahan, upang masuri nang mabuti ang magiging polisiya sa online gaming. 

Gayunman, nilinaw niyang hindi pa naitatakda sa ngayon ang nabanggit na pagpupulong.

Una rito, binigyang-diin ni PBBM ang kahalagahan ng balanseng pagtingin sa usapin upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na maipahayag ang kanilang pananaw bago gumawa ng pinal na desisyon hinggil dito.