-- Advertisements --

Naglabas na ng pahayag ang pamunuan ng East Avenue Medical Center (EAMC) matapos mag-viral sa social media ang isang post kaugnay sa umano’y kapabayaan na humantong sa pagpanaw ng isa sa kanilang pasyente na isang padre de pamilya.

Ayon sa ospital, iniimbestigahan na nila ang karanasan ng pasyente at kaniyang pamilya at bukas aniya sila at sinserong umaasa na magkaroon ng isang konstruktibong diyalogo upang maghilom ang lahat mula sa insidente.

Ginawa ng pamunuan ang naturang ospital ang pahayag matapos ibahagi ng anak ng pasyente na si Shaira Bugarin na pumanaw ang kaniyang ama na may brain tumor noong Hulyo 25 sa naturang ospital.

Sa kaniyang post, tinawag ni Bugarin ang EAMC bilang “worst hospital” at binalaan ang publiko na maging maingat sa pagdadalhan ng kanilang mahal sa buhay na may sakit. Ibinahagi ni Bugarin ang kaniyang galit kung saan inakusahan ng kapabayaan ang staff ng ospital. Ilan sa tinukoy niya ay ang paglala ng kondisyon ng kaniyang ama sa dalawang buwang pagkaka-confine sa ospital, pagkakaantala ng kaniyang surgery at umano’y bata ang mga doctor sa ospital at mahirap hagilapin.

“Imagine, for two months stay na hindi na nga sya naoperahan, nagka type 2 diabetes at Pneumoniae pa sya under your care tapos cause of death sa Death Cert, SEVERE SEPSIS,” saad ni Bugarin.

“You should be professional enough so the patients will not feel that you don’t want to treat them! You act like children throwing tantrums on why you’re handling a patient you claim you shouldn’t be handling, pagbabahagi pa ni Bugarin.

Sa kabila nito, sinabi ng pamunuan ng ospital na nananatili silang handa para pagsilbihan ang lahat ng mga pasyenteng nangangailangan ng pagaalaga.

Iginiit din ng naturang ospital na nananatiling pangunahing prayoridad nila ang kalusugan at kapakanan ng kanilang mga pasyente sa pamamagitan ng propesyunal at compassionate conduct ng lahat ng kanilang frontline healthcare providers.

Sineseryoso din aniya nila ang pagdadalamhati ng pamilya sa nangyari kabilang na ang galit na nakadirekta sa kung ano ang maaari sanang nagawa ng mas mabuti lalo na sa pagaalaga sa pasyente.

Nagpaabot din ng lubos na pakikisimpatiya sa pamilya ang pamunuan. Nakasaad din na nananawagan ang pamilya para sa pagpapahusay pa ng proseso sa ospital at ito aniya ang kanilang gagawin.