BAGUIO CITY – Halos walang mapagsidlan ng tuwa ang pamilya ng isang 77-anyos na lalaki sa Baguio City pagkatapos nitong gumaling mula sa COVID 19.
Itinuturing ni Mayor Benjamin Magalong bilang “extra special” ang nakaraang weekend dahil sa paggaling ng nasabing indibidwal na siyang pinakamantandang pasiente ng nasabing virus sa Baguio City.
Nakalabas mula sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang naturang indibidwal na isang post-stroke patient.
Hinangaan ng alkalde ang tibay ng nasabing pasyente dahil nakayanan nitong gumaling mula sa nakamamatay na virus sa kabila ng edad nito at kahit mayroong itong pre-existing condition.
Maliban dyan ay nakarekober din mula sa COVID 19 isang 33-anyos na nurse ng BGHMC.
Sa ngayon ay nananatiling 30 ang positibong kaso ng COVID 19 sa Baguio City, kung saan, 14 sa mga pasyente ang gumaling, 15 ang nagpapagaling pa at isa ang nasawi.