-- Advertisements --
image 385

Nadagdagan pa ng isa ang bilang ng mga Pilipino na namatay sa sumiklab na sunog sa isang food factory sa Taiwan ayon sa kumpirmasyon ni dating Labor chief at Manila Economic and Cultural Office (MECO) head Silvestre Bello III.

Una ng iniulat ni Bello na nasa tatlong Pinoy ang nasawi babang 5 iba pa ang nasugatan sa nangyaring sunog.

Natukoy ang ika-apat na biktimang Pinay na si Maricris Fernando mula sa probinsiya ng La Union.

Ayon kay Bello nakaranas ng severe carbon monoxide poisoning ang biktima na una ng isinugod sa intensive care unit (ICU) at sumailalim pa sa dialysis.

Ang tatlong Pilipino na nauna ng napaulat na nasawi sa sunog ay sina Renato Larua ng Cavite, Nancy Revilla mula Marinduque, at Aroma Miranda mula sa lalawigan ng Tarlac.

Tiniyak naman ni Bello ang paghahatid ng tulong sa naulilang pamilya ng mga OFWs at inaasikaso na ang mabilis na pagproseso para sa repatriation ng mga labi ng nasawing mga Pilipino bagamat wala pang partikular na timeline sa ngayon kung kailan maiuuwi ang mga ito sa Pilipinas.

Nakadepende ang repatriation ng mga labi ng OFWs sa resulat ng embalment ng mga bangkay at compliance sa mga legal na dokumento.

Samantala, nasa mabuting kalagayan na ang apat na Pilipino na napaulat na nasugatan sa nangyaring sunog sa Lian-Hwa Foods Corporation food sa Changhua county, central part ng Taiwan noong araw ng Martes na kinilalang sina Sheila May Abas, Jessie Boy Samson, Rodel Uttao at Santiago Suba Jr.