-- Advertisements --

Inumpisahan na ngayong hapon ang Physical Fitness Training ng mga overweight na mga pulis kasunod ng naging direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na dapat maging physically fit ang mga pulis para sa mas mainam na pagbibigay ng serbisyong publiko sa mga Pilipino.

Ang mga overweight na pulis ay bibigyan ng 93 days para sa kanilang weight and fitness challenge.

Para magawa ito ay, kinuha bilang fitness coach ng mga pulis si Rendon Labrador para pangunahan ang naturang challenge at ng maikasa ang fitness trainings sa loob ng naibigay na palugit.

Una niyang papapayatin ang mga nasa himpilan ng Community Affairs and Detection Group (PCADG) kung saan ang kaniyang magiging batayan para sa progreso ng mga pulis ay ang regular na pagtitimbang kada linggo upang makita kung ilang kilo na ang nabawas sa kani-kanilang timbang.

Matatandaan naman na mismong si Torre na ang nagsabi na hindi magiging subject for promotion ang mga pulis na overweight.

Binigyang diin rin ni Torre na naaayon din sa batas sa ilalim ng Republic Act 6975 na dapat hindi tataas o bababa sa 5 kilograms mula sa standard na timbang na siya rin dapat na naaayon sa kaniyang edad at kasarian ang timbang ng mga pulis.

Maaari ring mamili ng kanilang physical fitness program ang mga pulis gaya ng swimming, running o jogging, maski mga sports gaya ng badminton at kahit golf.

Magiging mahigpit rin ang hepe sa pagpapatupad ng mga fitness program at inihayag na wala dapat patawad sa mga ulis sa mismong araw ng physical fitness tests.

Samantala, hindi pa naisasapinal kung ilang beses sa isang linggo ang magiging trainings ng mga pulis at kung ano ang antas ng ehehisyo ang gagawin para sa naturang pagsasanay.

Bukas din ang kampo sa mga nais makibahagi sa mga training mula sa iba’t ibang regional offices at maaari aniyang sumali sa pamamagitan ng videocall.