Bina-validate na ngayon ng Philippine Embassy sa Tel Aviv, Israel kung ang naiulat na nasawi sa Gaza ay isang Pilipino.
Ito ang kinumpirma ni Vice Consul Patricia Narajos na nakatakdang isailalim sa DNA testing ang nasabing bangkay.
Inihayag naman ni Naranjo na ang dalawang iba pa na una nang kinumpirmang mga Pilipino ay namatay habang umaatake ang mga terorista sa komunidad ng Israel sa border ng Gaza o sa Kibbutz noong sabado.
Ayon kay Labor Attache Rudy Bagasa, namatay ang isang caregiver na babae habang pinu-pwersa ng terorista ang kanilang pinto, at pagkabukas ay niratrat ang mga ito kasama ang kaniyang amo.
Ang pinay caregiver ay 33 taong gulang, tubong Pangasinan, at anim na taong nagtrabaho sa Israel, bagong kasal lamang ito at ang kaniyang asawa ay narito sa Pilipinas.
Sinabi ni Bagasa ang isa pang Pinoy naman ay kasama sa mga natangay ng Hamas saka pinatay.
Ito ay 42 taong gulang, may asawa at taga Pampanga.
Sa kabilang dako, ayon naman kay DFA USec Eduardo de Vega na nakiusap ang pamilya ng mga biktima na irespeto ang kanilang privacy kaya hindi nila maibabahagi ang pangalan ng mga ito at hindi masyadong idi detalye ang sirkumstansiya ng pagkamatay ng mga ito.
Ngayong araw ay kakausapin ni Pangulong Ferdinand Marcos jr ang mga mahal sa buhay ng mga biktima.
Ayon naman sa embassy officials sa Israel na hanggang nitong umaga ay nasa 32 pang mga pilipino ang naiulat na patuloy na nawawala, 2 ang kumpirmadong nasawi, isa ang subject for examination, 26 ang nailigtas, isa ang nasa ospital at nagpapagaling na matapos tamaan ng bala at inoperahan, at ang isa pang nakalanghap ng usok ay nakalabas na ng ospital.