Patuloy ang mahigpit na paalala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa mga mamamayan na naninirahan sa malapit na lugar ng Bulkang Taal na maging mapagmatyag at patuloy na mag-ingat dahil sa patuloy na pagpapakita ng aktibidad ng bulkan sa mga nakaraang araw.
Batay sa pinakahuling ulat ng ahensya, ang Bulkang Taal ay patuloy na naglalabas ng mga visible gas plumes o usok mula sa pangunahing bunganga nito.
Sa nakalipas na magdamag , naitala ang pagbuga ng tinatayang 4,514 tonelada ng sulfur dioxide.
Bukod pa rito, naobserbahan din ang malakas na pagsingaw o steaming activity na umaabot sa tinatayang 2,100 metro ang taas mula sa bulkan.
Kaugnay nito, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng tatlong volcanic earthquakes. Kabilang dito ang isang nagpapatuloy na volcanic tremor event, na nagsimula pa noong ika-27 ng Agosto, 2025.
Ito ay nagpapahiwatig na may paggalaw pa rin sa ilalim ng bulkan.
Ayon sa mga nakalap na datos, napansin na ang pangunahing bunganga ng bulkan ay nagsimulang magpakita ng paglakas ng pagbuga ng usok noong ika-29 ng Agosto.
Patuloy na minomonitor ng PHIVOLCS ang sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad na malapit sa bulkan.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal. Dahil dito, patuloy na pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na iwasan ang pagpunta sa Taal Volcano Island.