-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon na matatagpuan sa Negros Island.

Ito ay dahil sa naitalang pagdami ng mga pagyanig sa bulkan sa loob ng nakaraang 24 oras.

Ayon sa pinakahuling monitoring ng ahensya, umabot na sa 72 volcanic-tectonic (VT) earthquakes ang naitala sa Kanlaon Volcano Network.

Ang mga pagyanig na ito ay naitala mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-8 ng umaga ngayong araw.

Ipinapaliwanag ng PHIVOLCS na ang mga volcanic-tectonic earthquakes na ito ay nagpapahiwatig ng paggalaw sa ilalim ng bulkan.

Ang lakas ng mga naitalang pagyanig ay nasa pagitan ng Magnitude 0.8 hanggang Magnitude 3.6.

Ang pinakamalakas na pagyanig sa mga ito ay naitala sa Intensity I sa La Carlota City, Negros Occidental at Canlaon City, Negros Oriental.

Ito ay nangangahulugan na bahagyang naramdaman ang pagyanig sa mga nasabing lugar.

Ayon pa sa PHIVOLCS, ang patuloy na pagyanig na nararanasan sa Bulkang Kanlaon ay maaaring indikasyon ng pagbitak ng mga bato sa ilalim ng bulkan.

Dagdag pa rito, naitala rin ng ahensya ang mahigit sa 2,338 tonelada ng sulfur dioxide emission mula sa bunganga ng bulkan.

Sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon. Dahil dito, pinapaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling mapagmatyag at maging alerto sa mga posibleng panganib.