Inanunsyo ni Finance Secretary Ralph Recto na posibleng maibalik ang subsidiya ng gobyerno sa PhilHealth sa taong 2026, matapos itong tanggalan ng karagdagang pondo ngayong taon.
Ayon kay Recto, P53.26 billion ang iminungkahing subsidiya para sa PhilHealth sa susunod na taon, mas mababa ng 28.44% kumpara sa P74.43 billion na mungkahi noong nakaraang taon para sa 2025, ngunit inalis ito ng Bicameral Conference Committee matapos makitang may P280.575 billion na reserve fund ang PhilHealth.
Sa ngayon umabot na sa P145.36 billion ang nabayaran ng PhilHealth sa benefit claims hanggang noong Hunyo ng kasalukuyang taon, halos doble kumpara sa P76.89 billion noong parehong panahon ng nakaraang taon.
Sa kabila ng zero subsidy, tiniyak ni Fund Management Sector Senior Vice Renato Limsiaco Jr. na kaya pa rin aniya ng PhilHealth na pondohan ang mas malawak na benepisyo nito. Inaasahan kasing aabot sa P348 billion ang pondo ng PhilHealth sa pagtatapos ng 2025.
Dagdag pa ni Recto, palalakasin ng pamahalaan ang serbisyong pangkalusugan at mga ospital ng DOH, lalong-lalo na sa mga probinsya kung saan kulang pa ang mga ospital. Bukod dito layunin din ng pamahalaan ang zero-balance billing, kabilang sa mga specialty hospitals.
Nilinaw din ni Recto na walang planong taasan ang kontribusyon ng mga miyembro sa PhilHealth sa susunod na taon.
Matatandaang inutusan ng DOF ang PhilHealth na ilipat ang P89.9 billion sa National Treasury, dahil lumampas sa P500 billion ang kanilang reserve fund. Ngunit matapos ang mga batikos mula sa iba’t ibang sektor at ang TRO mula sa Korte Suprema, P60 billion pa lamang ang naililipat ng PhilHealth.