Grounded ngayon ang limang Augusta AW-109 helicopters ng Philippine Navy matapos masangkot sa aksidente ang isa sa mga ito sa Lal-lo, Cagayan noong nakaraang linggo.
Ang nasabing aircraft ay nagbibigay suporta sa internal security operations ng Northern Luzon Command.
Ayon kay Phil. Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Adelius Bordado, ito ay normal procedure habang iniimbestigahan ang insidente.
Nilinaw ni Bordado na hindi nag-crash ang Augusta Westland-109 helicopter na may tail number NH435, kundi tumagilid lang habang palapag sa kanyang designated landing zone.
Nagtamo lang aniya ng konting gasgas ang piloto, pero lahat ng apat na sakay ng chopper ay dinala sa ospital para lamang sa routine check up.
Tiniyak naman ni VAdm Bordado ang isang masusing imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng aksidente, sa tulong ng mga international experts ng Augusta.
Sa ngayon hindi pa masabi ni Bordado ang extent ng damage ng helicopter.
Ang Philippine Navy ay may limang AW-109 sa kanilang pangangalaga at ito ay nakuha nila mula pa 2013 hanggang 2016 sa halagang P1.33 bilyon.