Inanunsyo ng Embahada ng Pilipinas sa Israel noong unang bahagi ng Linggo (PH time) na isasara ito simula Linggo, Oktubre 8 “until further notice.”
“The public is advised that the Philippine Embassy will be CLOSED beginning Sunday, 08 October 2023, and until further notice, due to the current security situation.For emergencies, please contact the Embassy’s emergency number, +972-54-4661188,” pahayag ng embahada sa kanilang Facebook post.
Nitong Sabado, inatasan ng embahada ang mga Pilipino sa Israel na sumunod sa mga pag-iingat sa kaligtasan sa gitna ng mga pag-atake na ginawa ng Palestinian Islamist group na Hamas at ang kasunod na pagpapalabas ng “state of war alert” ng Home Front Command ng Israel.
Sa isang pahayag, pinayuhan ng Philippine Embassy ang mga OFW na naninirahan malapit sa Gaza Strip at south Israel na sundin ang safety guidelines na inilabas ng Home Front Command sa pamamagitan ng isang instructional video.
“Mahalaga sa Embahada ang inyong kaligtasan at kapakanan. Mag-ingat po tayong lahat,” pahayag ng embahada.
Nitong Sabado, inilunsad ng Hamas ang kanilang pinakamalaking pag-atake sa Israel.
Sa isang pahayag sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na maglulunsad sila ng retaliation attack.
Ngayong Linggo ng umaga, naglunsad ang militar ng Israel ng mga air strike sa Gaza, at sinabi ng mga saksi na mayroong mabibigat na pagsabog, na nagresulta sa hindi bababa sa dalawang pagkamatay.