-- Advertisements --

Nagpahayag ng pangamba ang mga pribadong ospital noong Mayo 19 tungkol sa mahigit P7 billion hindi pa nababayarang serbisyo sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng gobyerno.

Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), may pagdududa kung makukuha pa ng kanilang mga miyembro ang bayad, lalo na dahil ang ilang pasyente ay inendorso ng mga kandidatong natalo sa halalan noong Mayo 12, 2025.

Sinabi ni PHAPI President Jose de Grano na may pangamba ang mga ospital dahil hindi lahat ng tumayong “sponsor” ng mga pasyente ay nanalo sa eleksyon.

Tinatayang 40% ng 1,200 miyembrong ospital ng PHAPI ay may mga nakabinbing bayarin na hindi pa natatanggap mula sa gobyerno.

Dahil sa malaking halaga ng utang, maaaring maapektuhan ang operasyon ng ilang pribadong ospital at ang serbisyong medikal na kanilang ibinibigay sa mga nangangailangang pasyente.