KALIBO Aklan — Naaabuso na ang sistema ng partylist sa bansa.
Ito ang inihayag ni Former Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel kung saan iginiit niyang matagal nang itinutulak ng kanilang grupo ang pagsasaayos sa nasabing sistema.
Aniya, napansin nila noong mga nakaraang taon na sinusugod na rin ng tinatawag na “congtractors” ang mga partylist at nagiging salik para ang mismong mga contractor ay hindi na nakikipagsabwatan sa mga kongresista dahil sila na ang nagiging kongresista upang wala na silang kahati o mas mabilis na nilang makukuha ang mga kickback sa mga proyekto.
Dapat umanong bantayan kung hanggang saan ang iminungkahi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagsasaayos sa sistema ng partylist kung ito ba ay magiging hudyat para sa mga mambabatas na pansinin na ang matagal nang inihaing partylist reform bill.
Kalabisan na aniya ang nangyayaring pangungurakot na hindi na sapat sa kanila ang kanilang nalilikom na kickback at pati ang partylist ay pinapasok narin nila.
Marapat lang din aniyang pantayan ng kaukulang aksyon ang mga sinasabing hakbang at dapat hindi ito ma “watered down” kagaya ng nangyayari sa Anti-political dynasty bill.















