Sinisiyasat na ng Office of the Ombudsman kung may nilabag na batas ang dalawang (2) kumpanyang may kaugnayan sa solar energy na itinatag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, saklaw ng imbestigasyon ang Solar Philippines Power Project Holdings, Inc. at ang subsidiary nitong SP New Energy Corporation (SPNEC), pati ang nangyaring bentahan ng SPNEC shares at ang ugnayan ng dalawang kumpanya.
Sinabi rin niya na maaaring magdulot ng legal issues ang pagbuo ng subsidiary matapos mabigong maibenta ang parent company nito.
Batay naman sa mga record, mula noong 2023 hanggang 2025, nagbenta si Leviste ng P22.259 billion na halaga ng SPNEC shares sa MGEN Renewables, ang renewable energy arm ng Meralco PowerGen Corp. (MGEN).
Ang pahayag ng Ombudsman ay kasunod ng anunsyo ni Energy Secretary Sharon Garin na patawan ang naturang kumpanya ng P24 billion multa sa Solar Philippines matapos kanselahin ang mahigit 11,000 megawatts na power contracts sa nakalipas na dalawang taon.
Kinansela ang mga kontrata dahil sa kabiguan ng kumpanya na maihatid ang halos 12 gigawatts na ipinangakong renewable energy capacity.
Bukod sa bentahan ng shares, iginiit din ni Remulla na mas malawak ang epekto ng umano’y kabiguang maghatid ng serbisyo ng Solar Philippines sa sektor ng enerhiya ng bansa.
Dagdag pa niya, maaaring hilingin ng Ombudsman ang paliwanag ni Leviste kung may sapat na batayan upang pormal siyang kwestiyunin.
Sa isang naunang panayam, itinanggi ni Leviste ang pananagutan sa hindi natupad na mga power project at nilinaw na hindi umano ang Solar Philippines ang kumpanyang ibinenta niya sa MGEN.
Sinabi rin niya na matagal nang tumigil sa operasyon ang Solar Philippines dahil sa aniya’y hindi kompetisyon sa energy industry.
Sa ngayon ‘wala pang tugon ang Kongresista ukol sa mga pahayag ng Ombudsman. Bukas din ang Bombo Radyo sa panig ng mambabatas.















