Nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na palalimin pa ang kanilang kooperasyong pangdepensa, kasunod ng patuloy na “destabilizing actions” ng China sa West Philippine Sea.
Sa pulong nina US Secretary of State Marco Rubio at DFA Secretary Enrique Manalo, iginiit ng dalawang opisyal ang kahalagahan ng alyansa ng PH-US sa pagpapanatili ng kalayaan at kaayusan sa Indo-Pacific.
Ayon sa US State Department, nangako ang dalawang bansa na mas paiigtingin ang pagtutulungan kontra agresyon ng China sa WPS at palalawakin pa ang kooperasyong pang-ekonomiya para sa kapwa mamamayan.
Kabilang din sa tinalakay ang posibleng trilateral cooperation kasama ang Japan sa Luzon Economic Corridor, at ang suporta ng US sa modernisasyon ng depensa ng Pilipinas.
Binanggit din ang mga positibong hakbang tulad ng Balikatan exercises, foreign military sales ng US, at ang Joint Vision Statement ng dalawang defense secretaries.
Nakatakdang palitan ni Manalo si Antonio Lagdameo bilang permanenteng kinatawan ng Pilipinas sa United Nations ngayong Agosto. (Report by Bombo Jai)