Nanindigan ang panig ng Pilipinas na ipinapairal lamang nito ang sovereign rights ng bansa sa loob ng ating maritime domain
Ito ay sa gitna ng akusasyon ng China na lumilikha ang Pilipinas ng “disturbances” o kaguluhan dahil sa isinasagawa umanong Balikatan joint exercises ng Philippine at US air forces sa himpapawid ng disputed waters.
Sa isang statement, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi probokasyon kundi paghahanda ang isinasagawang pagsasanay ng Pilipinas at Amerika na magtatagal hanggang sa Mayo 9 at maritime domain awareness operations sa loob ng ating territorial waters at exclusive economic zone (EEZ).
Iginiit din ng AFP na ang naturang pagsasanay ay tumatalima sa international law partikular na sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at nakatuon sa responsable at progresibong depensa.
Inihayag din ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ang kanilang partnership sa matagal na kaalyadong bansa tulad ng Amerika ay sumasalamin sa shared values at kolektibong commitment para pangalagaan ang kapayapaan, seguridad at rules-based international order.
Nilinaw din ng AFP na ang Pilipinas ay isang sovereign state at walang foreign power ang maaaring magdikta kung paano dedepensahan ang ating bansa o kung kanino tayo makikipagtulungan.
Una rito, noong araw ng Martes, nagsagawa ang PH at US air forces ng joint patrol sa West Philippine Sea bilang bahagi pa rin ng nagpapatuloy na defense cooperation ng dalawang bansa.