-- Advertisements --

Naninindigan ang gobyerno ng Pilipinas na hindi ito humingi ng pahintulot mula sa China para sa pagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin shoal.

Ito ang naging tugon ni National Security Council spokesperson at Assistant Director General Jonathan Malaya kaugnay sa paulit-ulit na pahayag ng gobyerno ng China kung saan dini-demand nito ang gobyerno ng Pilipinas na kailangan umano nitong humingi ng permiso mula sa Beijing para makapagsagawa ng resupply missions sa naturang lugar.

Subalit iginiit ng PH official na malinaw at hindi nagbabago ang posisyon ng gobyerno ng Pilipinas mula umpisa pa lamang kaugnay sa pagsasagawa ng resupply missions na isinasagawa ng ating bansa gamit ang ating mga barko at hindi kailanman humingi ng permiso mula sa China.

Aniya, ang paulit-ulit na pagiisyu ng ganitong statement ng China ay walang kabuluhang mga salita para palabasin na sinusubaybayan nila ang kabuuan ng misyon.

Sinabi din ni Malaya na pinapalabas ng claims ng China na kung walang permiso mula sa kanila, hindi makakapagsagawa ng resupply missions ang gobyerno ng PH, subalit iginiit ni Malaya na malayo ito sa katotohanan.

Kaugnay nito, patuloy na maninindigan ang PH sa katotohanan at kung ano ang aktwal na nangyayari sa karagatan at iginiit na magiging paglabag sa ating konstitusyon ang paghingi ng permiso mula sa China.