-- Advertisements --

Matagumpay na nakamit ng Pilipinas ang Guiness World Record para sa “largest human lung formation” na bumasag sa record ng India.

Ito ay kasabay ng paggunita ng World Tuberculosis Day ngayong taon kung saan aabot sa 5,596 participants ang nagtipun-tipon sa Quirino Grandstand sa Maynila kabilang ang mga health workers, 4Ps beneficiaries, university students at community members.

Nalagpasan nito ang record ng India na 5,007 participants noong 2017.

Ang record-breaking attempt na ito ay pinangunahan ng Department of health kasama ang development partners nito na inilunsad ngayong araw ng Sabado sa layuning maimulat ang kamalayan ng buong mundo kaugnay sa TB at maiwaksi ang stigma sa naturang sakit.

Sa pagdalo ni Health Secretary Ted Herbosa na personal ding sinaksihan ang naturang event, sinabi nito na patuloy na isang pandaigdigang concern ang TB maging sa kasalukuyang taon kung saan ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng TB sa buong mundo na nasa mahigit 1 million kaso.

Samantala, ayon kay Chong Wai Yip, adjudicator ng Guiness World of Record binigyan ang PH ng 3 attempts para malagpasan ang title holder na India bilang biggest human lung formation kung saan sa ikalawang attempt ay matagumpay na nakuha ng bansa ang bagong record.