CAGAYAN DE ORO CITY – Pupulungin ni Ozamiz Archdiocese Archbishop Martin Jumoad,DD ang kanilang board of consultors upang talakayin bukas ang hinaing ng mga parokyano na muling mabuksan ang ipinasara na San Juan Bautista Church sa Jimenez,Misamis Occidental noong nakaraang linggo.
Kaugnay ito sa alegasyon na dinuraan ng isang babae na video blogger na si Christine Medalla ang tinawag na ‘holy water font’ na ginawang social media content kaya agad nag-viral at ikina-dismaya ng mga Kristiyanong Katoliko ang nangyari sa simbahan dahilan pansamantalang ipinasara ni arsobispo.
Sinabi ni Jumoad na hihintayin nila ang sulat ng kura-paroko na si Reverend Father Rolly Lagada patungkol sa apela na buksan ng muli ang parokya alinsunod sa hinaing at panawagan ng mga parokyano ng Jimenez.
Paliwanag ng opisyal na dahil nayurakan umano ang pagsilbing banal ng simbahan ay dadaan itong muli sa ritwal ang parokya upang maibalik na sa normal ang mga Gawain nito.
Magugunitang ang San Juan Bautista Church ay naipatayo ni Reverend Father Roque Azcona noong ika-19 na siglo dahilan na isa ito sa heritage religious sites na patuloy na saksi sa mga kaganapan ng Pilipinas.
Napag-alaman na humingi ng kapatawaran ang vlogger at iginiit na hindi totoo na dinaruaan ang ‘holy water font’ subalit persona non grata declaration ang sagot ng local government ng Jimenez.