Mahigpit umanong makikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa Chinese government sa pamamagitan ng kanilang embahada sa bansa para tukuyin ang mga illegal Chinese workers na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Nabatid na sa reaksyon ng Chinese embassy sa plano ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na paglilipat sa Chinese workers sa hiwalay na community o hub mula sa kanilang pinagtatrabahuan dahil sa pagiging bastos, sinisi nito ang Pilipinas sa patuloy na paglobo ng illegal Chinese workers sa mga gaming casino.
Sa kanilang statement, iginiit ng Chinese embassy na batay sa kanilang batas, iligal ang anumang uri ng sugal gaya ng online-gambling at overseas gambling lalo ang paghikayat ng Chinese nationals na magsugal.
“According to the Chinese laws and regulations, any form of gambling by Chinese citizens, including online-gambling, gambling overseas, opening casinos overseas to attract citizens of China as primary customers, is illegal.”
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, makikipag-ugnayan sila sa Chinese embassy para tukuyin ang mga Chinese nationals na iligal na nagtatrabaho sa mga POGO sa bansa.
Ayon kay Sec. Panelo, dadaan sa due process ang deportasyon sa mga illegal Chinese workers at bahala na ang kanilang gobyerno kung ano ang gagawin sa kanilang mamayan pagbalik ng China.
Samantala, hinikayat din ni Sec. Panelo ang mga Chinese workers sa POGO na magsampa ng reklamo kung sa tingin nila ay nalalabag ang karapatan sa balak ng PAGCOR na ilipat sila sa hiwalay na working hub.
“E pag malaman natin na illegal bakit hindi. Siyempre mayroong process ‘yon, may due process pa rin kahit papaano,” ani Sec. Panelo. “O, certainly kung mayroong, we share kasi intelligence information, yong both countries share intelligence information then we react. Both countries, respond to that.”
Samantala, balak ni House Committee on Dangerous Drugs Chair at Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers na lumikha ng batas na magtitiyak na hindi nagagamit ang Philippine Offshore Gaming Operations sa money laundering.
Sinabi ni Barbers na bagama’t nakikita ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at PAGCOR ang POGO bilang nakakatulong sa ekonomiya, maaring lingid sa kanilang kaalaman ang posibilidad na nagagamit ito ng mga drug syndicate at iba pang crime groups sa krimen.
Nangyari na aniya ito base sa mga ulat kung saan naglalagay ng malaking halaga ng pera ang mga Italian at Sicilian sa online gaming para sa kanilang money laundering operation.
Pareho aniya ang pamamaraan na ito sa ginagawa naman ng mga drug syndicate at ibang crime groups na pumapasok sa bansa.
Dumarating daw ang mga ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga charter flights at kalaunan ay dinadala sa PAGCOR-operated casino para ipapalit ang kanilang mga chips at kalaunan ay i-withdraw ng cash.
Ito ay para pagbalik ng kanilang bansa ay kanila nang sasabihin na ang hawak nilang pera ay kanilang napanalunan sa sugal sa casino. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)