JAKARTA, Indonesia – Labing-anim na katao ang nasawi habang 18 pa ang sugatan sa isang malagim na aksidente ng pampasaherong bus sa Indonesia, matapos itong bumangga sa concrete barrier sa Java main island, madaling araw ng Lunes, Disyembre 22.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, patungo sana sa lungsod ng Yogyakarta ang bus mula sa kabisera, Jakarta, nang mangyari ang aksidente sa curved exit ng Krapyak toll road. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sumobra sa liko ang bus habang mabilis ang takbo nito, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver at bumangga nang malakas sa konkretong harang.
Dahil sa lakas ng impact, ilang pasahero ang tumilapon palabas ng sasakyan at naipit sa loob ng wasak na bus. Anim na pasahero ang idineklarang dead on the spot, habang sampu pa ang isinugod sa iba’t ibang ospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa grabeng pinsalang tinamo. Patuloy namang ginagamot ang 18 sugatan, ilan sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon.
Ayon kay Budiono, hepe ng search and rescue team, ilang minuto ang lumipas bago tuluyang makarating sa lugar ang mga pulis at rescue personnel. Agad silang nagsagawa ng rescue operation at nagbigay ng paunang lunas sa mga biktima, subalit wala nang nagawa para sa mga pasaherong nasawi na sa lugar ng insidente.
Samantala, patuloy na nagpapagaling sa ospital ang driver ng bus matapos magtamo ng malubhang pinsala. Inihayag ng mga awtoridad na sasailalim siya sa drug test at masusing imbestigasyon upang matukoy kung may paglabag sa speed limit, kapabayaan, o iba pang salik na naging sanhi ng aksidente.
















