Magsisilbi ang Pilipinas bilang presidente ng 78th World Health Assembly, ang pinakamataas na decision-making body ng World Health Organization (WHO).
Ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa bansa na mamuno sa naturang assembly.
Magsisimulang mag-convene ang WHA ngayong Mayo 19 na magtatagal hanggang Mayo 27 ng kasalukuyang taon sa Geneva Switzerland.
Papangunahan ni Health Secretary Ted Herbosa ang delegasyon ng Pilipinas sa naturang assembly kung saan target ng bansa na mapalawig pa ang papel nito sa global health diplomacy, pagpapalakas ng bilateral ties at pakikilahok sa mga inisyatiba sa kalusugan sa pakikipagtulungan sa lahat ng member-states at stakeholders ng WHA para mapagtagumpayan ang health equity sa lahat ng antas sa lokal, rehiyon at sa buong mundo.
Ayon sa DOH, direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matugunan ang pangmatagalang mga layunin sa kalusugan, isulong ang patas at matatag na global health landscape at paganahin ang dayalogo sa kritikal na mga isyu sa kalusugan sa buong mundo.
Pinasalamatan naman ni World Health Organization Director General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus si Sec. Ted Herbosa sa pagsisimula ng World Health Assembly sa Geneva, Switzerland kung saan ang mga lider ng 194 WHO member states sa buong mundo ay magsasama-sama.
Dito tatalakayin ang mga usaping pangkalusugan sa buong mundo at para magbalangkas ng mga polisiya at sistema tungkol sa pagtutulungan ng iba’t-ibang bansa tungo sa kahandaan laban sa kahit anong banta sa kalusugan.
Malugod na isusulong ng Pilipinas, sa pamumuno ni Sec Ted Herbosa at ng mga bansa sa WHA, ang “HealthForAll” hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.