-- Advertisements --

Kinumpirma rin ni DFA Sec. Teddy Locsin Jr., na nag-positibo rin sa COVID-19 ang isang babaeng diplomat ng Philippine mission sa United Nations (UN).

Ayon kay Sec. Locsin, nakausap na niya si UN acting ambassador to the Philippines Kira Azucena, na nagsabing nasa mabuting lagay na ang Pilipinang pasyente.

Batay sa directory of diplomatic staff ng UN, may 12 diplomat na kabilang sa Philippine mission at naka-base sa Midtown Manhattan sa New York.

Sinabi ni Azucena na nagtungo pa sa UN headquarters ang Pinay noong Lunes bilang representative ng bansa sa legal affairs committee ng ginanap na General Assembly.

Ani Locsin, nagdiwang pa ng kanyang kaarawan ang Pinay makaraang lumuwas ito mula Florida.

Kasalukuyang naka-lockdown ang Philippine Mission ng UN sa Amerika at inatasan na ang mga personnel nito na mag-self quarantine.