Inanunsiyo ni US President Donald Trump na nadakip na si Venezuelan President Nicolas Maduro na iniuri ng Amerika bilang terorista kasama ang kaniyang maybahay na si First Lady Cilia Flores.
Sa isang statement mula sa kaniyang Truth Social account, kinumpirma ng US President na matagumpay ang isinagawang malawakang strikes ng Amerika laban sa Venezuela na nagresulta umano sa pagkaka-aresto ng lider nito na si President Maduro kasama ang kaniyang maybahay at inilipad palabas ng bansa.
“The United States of America has successfully carried out a large scale strike against Venezuela and its leader, President Nicolas Maduro, who has been, along with his wife, captured and flown out of the Country,” saad ni Trump sa kaniyang Truth Social account.
Sinabi ng US President na isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan sa US Law Enforcement.
Base naman sa ulat ng international media, sinabi ng ilang opisyal na naaresto si Maduro ng US army na Delta Force, ang top counter terrorism unit ng US military.
Bago ang anunsiyo ni Trump, nauna ng nag-alok ang Amerika ng $50 million na pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ni Maduro.
Samantala, ayon kay Trump magpapatawag siya ng isang news conference mamayang alas-11:00 ng umaga, oras sa Amerika (11PM, Manila time) sa kaniyang Mar-a-Lago residence sa Florida.
Batay naman sa isang Republican Senator, sinabi umano ni US Secretary of State Marco Rubio na haharap si Maduro sa isang trial sa Amerika kaugnay sa criminal charges laban sa kaniya at walang inaasahang aksiyon laban sa Venezuela.
Samantala, sa panig naman ng gobyerno ng Venezuela, wala pang kumpirmasyon hinggil sa umano’y pagkakaaresto ni Maduro.
Ayon kay Venezuelan Vice President Delcy Rodríguez, walang alam ang gobyerno sa kinaroronan ngayon ni Maduro o ni First Lady Cilia Flores.
Idinemand din niya sa Amerika na agad magpakita ng patunay na buhay pa sina Maduro at First Lady.
Bilang tugon naman sa isinagawang strikes ng Amerika, inanunsiyo ni Venezuelan Defense Minister Vladimir Padrino López ang agarang pagdedeploy ng kanilang military forces sa buong bansa.
Sa isang video address, nanawagan siya para sa nagkakaisang pagpigil sa lumalalang agresyon ng Amerika laban sa Venezuela at sinabing sinusunod lamang niya ang utos ni Maduro na pagdedeploy ng lahat ng armed forces.
Inihayag din ng Defense Minister na patuloy ang pagkalap ng gobyerno ng impormasyon kaugnay sa mga napatay at nasugatang indibidwal at umano’y tinamaang civilian areas.
Iginiit ng Venezuelan official na pipigilan nila ang presensiya ng dayuhang mga tropa sa kanilang bansa. Una na ring nagdeklara ang Venezuelan government ng national emergency kasunod ng strikes ng Amerika.















