Inilikas ng Philippine Army ang nasa 38,000 residente sa mas ligtas na lugar sa gitna ng pagbayo ng Severe Tropical Storm Opong sa ilang parte ng bansa ngayong Biyernes, Setyembre 26.
Ayon kay PA spox Col. Louie Dema-ala, ang mga inilikas na residente ay mula sa Southern Luzon, Bicol Region at Eastern Visayas na nirespondehan ng iba’t ibang humanitarian assistance and disaster response (HADR) teams ng Army.
Siniguro ng Army official na walang patid ang ginagawang pagtulong ng mga kasundaluhan kasama ang local government disaster responders, sa mga pamilya na apektado ng bagyo.
Samantala, naka-standby naman para sa agarang deployment sa Metro Manila, Luzon at Visayas ang halos 5,000 Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary members at reservist.
Pinakilos din na ng Philippine Air Force (PAF) ang dalawang Black Hawk helicopters para sa airlift ng mahigit 800 kahon ng relief goods mula sa Laoag City, patungo sa Calayan Island, Cagayan para sa mga komunidad na apektaod ng nagdaang Super Typhoon Nando.
Nag-deploy din ang PAF ng C-130 aircraft para magdala ng 1,000 family food packs mula sa Villamor Air Base sa Pasay City patungo sa Basco, Batanes at para ibiyahe pabalik ng Pasay ang mga stranded na indibidwal at turista.
Samantala, pinakilos din ng Philippine Navy Northern Luzon Naval Command ang kanilang disaster response and rescue teams para magsagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response operations sa Cagayan Valley, Ilocos Region at Batanes noong nanalasa ang bagyong Nando.