Illegal at walang pahintulot ng Samahang Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP) ang petisyon ng “PUSO ng NAIA” sa mga isyung ibinabato ng grupo laban sa NAIA Public-Private Partnership (PPP) Project.
Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng SMPP, ang lehitimo at pinakamalaking unyon ng mga rank-and-file na empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA), na bagamat nagkaroon sila noon ng ilang hindi pagkakaunawaan at konsultasyon kasama ang MIAA management habang binubuo at ipinatutupad ang PPP project, ang lahat ng ito ay naresolba sa maayos na paraan sa pamamagitan ng serye ng konsultasyon bago pa man maisagawa ang pormal na paglipat ng proyekto sa pribadong concessionaire.
“Ang SMPP ay walang anumang opisyal o di-opisyal na koneksyon o pakikilahok sa grupong nabanggit. Ang mga isyung inihain sa Korte Suprema ay hindi usaping pang-unyon,” pahayag ng samahan.
Iginiit ng SMPP na wala silang partisipasyon o pahintulot sa petisyong inihain sa Korte Suprema ng ilang indibidwal at grupo, kabilang ang PUSO ng NAIA, na humihiling na ideklarang labag sa batas ang kasunduan ng NAIA PPP Project.
Nilinaw din ng unyon na hindi nila pinayagan ang sinuman na gamitin ang pangalan ng SMPP sa naturang kaso.
“Mariin naming itinatanggi ang anumang kaugnayan sa nasabing petisyon. Ang SMPP ay hindi partido sa kasong ito at hindi kami nagbigay ng pahintulot sa sinuman na gamitin ang pangalan ng aming samahan,” dagdag pa ng SMPP.
Muling tiniyak ng SMPP ang kanilang pagtutok sa kapakanan at karapatan ng mga empleyado ng MIAA, sa pamamagitan ng lehitimo at mapayapang pakikipagdayalogo sa pamunuan, at sa patuloy na pagsusulong ng transparency at tamang proseso sa lahat ng usaping may kinalaman sa mga manggagawa ng paliparan.
Ang opisyal na pahayag ay pirmado ng mga opisyal ng SMPP sa pangunguna nina Vice President Leoncio A. Landong, Jr., Secretary Rosalinda B. Zapues, at Treasurer Ghurdiv B. Chand, at opisyal na tinanggap ng Office of the General Manager ng MIAA noong Oktubre 23, 2025.
















