CJ Diosdado Peralta

Kinumpirma mismo ni Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta na ibinasura nila ang petition for intervention ng dalawang katutubong Aeta.

Una rito, noong Pebrero 2, kasabay ng unang araw ng oral argument laban sa Anti Terror Act ay naghain ang dalawang katutubong sina Japer Gurung at Junior Ramos ng petisyon dahil ginamit umano ng mga otoridad ang bagong batas sa pag-aresto sa kanila at kabilang sa nakahaing kaso sa korte sa Zambales.

Sa pagsisimula ng oral arguments ng Korte Suprema sa Anti Terror Law, sinabi ni Peralta na unanimous o lahat ng mahistrado ang pumabor na ibasura ang naturang petisyon.

Ginawa ni Peralta ang statement matapos maglatag ng manifestation si Solicitor General (SolGen) Jose Calida laban sa naturang petisyon.

Sa pahayag ni Calida, umatras na umano ang dalawang Aeta sa petisyon at pinilit lamang umano sila ng mga abogado ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na pumirma sa naturang dokumento.

-- Advertisement --

Nagsumite rin si Calida ng video kaugnay ng pagpapapirma ng NUPL sa ihahaing petisyon kapalit ng P1,000.

Ayon kay Calida, napilitan na lamang ang mga katutubo na pumirma at sinabing ang P1,000 na ibinigay ay paghahatian daw nila.

“Ayaw po naming pirmahan ang mga dokumento. Napilitan na rin kaming pumirma. Binigyan po kami ng ₱1,000 at hatiin daw po namin,” ani Calida base sa affidavit of desistance ng dalawang Aeta.

Pero pumalag naman si Atty. Neri Colmenares, isa sa mga petitioners ng Anti Terror Law sa pagsasabing mahirap pilitin ng mga abogado ang mga katutubo na pumirma gayong nasa kustodiya sila ng PNP.