Umaasa ang isa sa mga lider sa Kamara na mabigyan diin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huling State of the Nation Address (SONA) nito sa darating na Hulyo 26 ang “urgency” sa pag-apruba sa nalalabing bahagi ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP).
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda, base sa pag-aaral ng mga credit rating agencies, tataas ang credit standing ng bansa kapag maging ganap na batas ang iba pang mga panukala sa ilalim ng CTRP.
Halimbawa rito ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act at Passive Invomce and Financial Intermediaries Taxation Act, na kapwa pending sa Senado.
Inaasahan din aniya nila na tatalakayin ni Pangulong Duterte ang pagkakaroon ng panibagong revenue streams kasunod na rin nang pagbanggit nito kamakailan hinggil sa kahalagahan ng isang well-regulated na gaming sector para sa economic at fiscal recovery.
Kaugnay nito, isang linggo pagkatapos ng huling SONA ni Duterte, sinabi ni Salceda na raratipikahan ng Kamara at Senado ang tax regime sa Philippine Offshore Gaming Operations.
Isa sa mga posibleng pagkuhanan din aniya ng karagdagang kita ng pamahalaan ay ang pagbubuwis sa e-sabong, na kasalukuyan ay nakabinbin din sa Senado.
Makakatulong din sa paglago ng ekonomiya kung maaprubahan na rin ang amiyenda sa Foreign Investment Act, Public Service Act, at Retail Trade Liberalization Act, na pawang kritikal sa pagpapadami ng foreing direct investments at sa pagkakaroon ng mas marami pang job opportunities sa bansa, tulad na lamang ng Corporate Recovery Tax Incentives for Enterprises Act.