Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Lunes na isang Pilipinong seaferer ang hinatulan ng 18 taong pagkakakulong sa Ireland dahil sa umano’y pagkakasangkot sa smuggling ng malaking halaga ng cocaine noong 2023.
Ayon sa ulat, ang nasabing Pilipino at pito pang indibidwal ay nahatulan ng Irish Special Criminal Court matapos tangkaing ipuslit ang 2.2 toneladang cocaine na nagkakahalaga ng €157 million (humigit-kumulang P9.7 billion) papasok ng Ireland.
“The original sentence was for 28 years but it was lowered to 18 on account of good behavior,” ayon kay DFA Undersecretary Ed De Vega.
Hindi naman binanggit ng DFA ang pagkakakilanlan ng seafarer.
Nabatid na ito na ang pangalawang pinakamataas na parusa sa mga nahatulan, kasunod ng isang Dutch national na sinentensiyahan ng 20 taon.
Sinabi rin ni De Vega na patuloy ang pagbibigay ng konsular assistance ng embahada ng Pilipinas sa Dublin at nakikipag-ugnayan na ito sa abogado ng Pilipino para sa susunod na hakbang sa legal na proseso.
Ang mga nahatulan ay pawang tripulante ng MV Matthew, isang Panamanian-flagged cargo ship na nahuli ng Irish Army Rangers noong Setyembre 2023. Galing ang barko sa Curaçao, Venezuela, at nasabat nang pumasok ito sa Irish territorial waters.
Ito ang pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng Ireland.
Anim pang crew ng MV Matthew ang hinatulan ng parusang mula 13.5 hanggang 17.5 taon na pagkakakulong.