Matinding pagbabantay ang isinasagawa ngayon ng Threat Monitoring Center ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC hinggil sa mga kumakalat na scam at mga spoof message.
Ang mga ito ay ginagamit sa mga mapanlinlang na donation drive, lalo na kasunod ng pinsala na idinulot ng bagyong Uwan sa bansa.
Binigyang-diin ng CICC na ang mga scammer ay madalas na nananamantala sa mga pagkakataong kung saan ang pagmamalasakit at pagtutulungan ng mga mamamayan ay nasa pinakamataas na antas.
Dahil dito, mariing nananawagan ang CICC sa publiko na maging maingat at mapanuri sa pagpili ng kanilang pagdodonate-an
Bukod pa rito, hinihimok din ng ahensya ang publiko na agad ipagbigay-alam o i-report sa hotline number na 1326 ang anumang kahina-hinalang aktibidad o mga pekeng donation campaign na kanilang makita o matanggap.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan, mas mapapangalagaan natin ang mga donasyon at masisiguro na makakarating ito sa mga tunay na nangangailangan.















