-- Advertisements --

Inatasan ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos ang PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) na imbestigahan ang mga kandidatong nagpositibo sa drug testing.

Bukas naman ang mga local police offices sa buong bansa para doon sa mga kandidato na tatakbo sa 2022 national and local election na nais sumailalim sa drug test.

cpnp Dionardo Carlo chief
PNP chief Gen. Dionardo Carlos

Ayon kay Carlos, kaniya nang inaalam sa iba’t ibang police stations sa buong bansa kung mayroong mga kandidatong lumapit para sa voluntary drug testing.

Sinabi ni Carlos na sa ngayon wala pa umanong nagtutungo sa mga local police stations.

“We are also checking on the different police stations and units if there are local candidates who are requesting the PNP for a drug test. None so far,” wika ni Carlos.

Sa panig naman ng PNP Drug Enforcement Group, nagpapatuloy pa rin ang kanilang validation doon sa impormasyon na isinawalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang presidential candidate ang gumagamit ng cocaine.

Una nang inatasan ni PNP chief ang PDEG na magsagawa ng validation hinggil sa nasabing impormasyon.

“Inaatas ko na sa PDEG ang pagsiyasat at pagkalap ng sapat na impormasyon at ebidensiya sa tinutukoy ng ating Presidente at kung anuman ang naging resulta at handa ang PNP na ito ay isapubliko,” pahayag pa ni Gen. Carlos

Sa kabila ng maraming mga kandidato sa 2022 polls ang boluntaryong sumailalim sa drug test, nilinaw ng PNP na maari lamang nila simulan ang imbestigasyon kung positibo ang resulta sa isinagawang drug testing.