Kasalukuyang nakadaong ang dalawang Japanese destroyers sa Port Area, Manila para sa tatlong araw na port visit sa bansa.
Nagpapahiwatig ito ng pagpapalalim pa ng ugnayan sa pagitan ng naval forces ng Pilipinas at Japan kasunod ng ratipikasyon ng Reciprocal Access Agreement (RAA).
Dumating sa Manila Port ang JS Ise (DDH-182), na isang Hyuga-class helicopter destroyer, at JS Suzunami (DD-114), na isa namang Takanami-class destroyer kaninang alas-10:30 ng umaga bilang parte ng Indo-Pacific Deployment 2025 ng Japan Maritime Self-Defense Force, isang inisyatibo na naglalayong palakasin pa ang kooperasyon nito sa mga kaalyado at partner na hukbong dagat sa rehiyon sa pamamagitan ng mga sanib-pwersang pagsasanay.
Sinalubong naman ng mga personnel ng Philippine Navy kasama ng Navy band ang Japanese navies.
Ayon kay Rear Adm. Natsui Takashi, commander ng Japenese Maritime Self-Defense Forces Escort Flotilla Fourm, sumisimbolo ang port call sa commitment ng Japan para suportahan ang PH at iba pang like-minded nations sa pagpapanatili ng malaya at bukas na Indo-Pacific region.
Nilinaw naman ni Adm. Takashi na ang deployment ng 2 Japanese destroyers ay walang punterya o target na anumang partikular na bansa at umaasang maging pagkakataon ito para maisulong ang bilateral defense cooperation at exchanges para makamit ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Ito naman na ang ikatlong pagbisita ng Japan navies sa bansa ngayong taon habang ito naman ang ikalawang beses na pagbisita para sa JS Ise na nauna ng nag-port visit sa Subic noong 2017.
Samantala, nakatakda namang magsagawa ng naval exercises ang Japan forces kasama ang Philippine Navy para palakasin pa ang kanilang interoperability at ipinahiwatig ang pagsasagawa ng mas marami pang naval engagements kasama ang kanilang PH counterparts sa ilalim ng RAA.
Ang pagbisita naman ng Japanese destroyers sa bansa ay kasunod ng panibagong panghaharass ng barko ng China Coast Guard (CCG) kung saan nagsagawa ito ng water cannon attack laban sa mga barko ng Pilipinas sa Panatag shoal o Bajo de Masinloc kahapon lamang, June 20 habang namamahagi ng fuel subsidies sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Samantala, inihayag naman ni Adm. Takashi na nakamasid ang kanilang Hukbo sa naval activities ng China sa pinagtatalunang karagatan kabilang na sa mga katubigang nakapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.