-- Advertisements --

Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat na nagsasagawa umano ng military drills ang China sa West Philippine Sea, partikular sa Bajo de Masinloc, at iginiit na gawa-gawa lamang ang naturang pahayag.

Ayon kay Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, special spokesperson ng AFP para sa West Philippine Sea, karaniwang taktika ng China ang maglabas ng propaganda tuwing may pagsasanay ang Pilipinas kasama ang mga kaalyado nito.

Giit niya, wala silang nakitang anumang organisadong galaw, tactical maneuvers, o joint formations ng mga barko ng People’s Liberation Army Navy at China Coast Guard na maituturing na military exercise, kundi hiwa-hiwalay lamang na presensya ng mga barko sa paligid ng Bajo de Masinloc.

Sa parehong panahon, matagumpay na isinagawa ng AFP, Philippine Coast Guard, at United States Indo-Pacific Command ang limang araw na Maritime Cooperative Activity mula Mayo 26 hanggang 30, 2026 sa parehong lugar.

Kabilang sa mga aktibidad ang search and rescue drills, maritime law enforcement training, at live communication exercises, na layong palakasin ang depensa at interoperability ng Pilipinas at Amerika.

Samantala, iginiit ng China na nagsagawa sila ng combat readiness patrols sa Scarborough Shoal bilang tugon umano sa “rights violations” sa rehiyon, ngunit mariing itinanggi ito ng AFP at binigyang-diin na hindi dapat tanggapin ng publiko ang mga ganitong propaganda nang basta-basta.

Ang Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough o Panatag Shoal, ay nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea, at kinilala ng 2016 arbitral ruling na walang legal na basehan ang malawak na claim ng China sa South China Sea.