-- Advertisements --

Ikinagulat ni VP Sara Duterte ang unang inilutang na posibleng tandem nila ni Sen. Imee Marcos sa 2028 presidential elections.

Maalalang inilabas ito ni Sen. Robin Padilla noong bumiyahe ang tatlo sa Kuala Lumpur, Malaysia upang dumalo sa isang Independence Day event at humarap sa mga overseas Filipino workers sa naturang bansa.

Sa isang panayam sa pangalawang pangulo, inamin niyang nagulat siya sa naturang pahayag, lalo at unang pagkakataon umano niya itong marinig.

Maaari aniyang nagbibiro lamang noon si Sen. Padilla, at ang senador na rin ang pinakamainam na magbigay ng paliwanag sa kaniyang naunang pahayag.

Maalalang sinabi rin ni Sen. Padilla na handa siyang maging campaign manager ng Duterte-Marcos tandem kung mangyayari ito.

Kilalang magka-alyado sina Sen. Imee at VP Sara sa kabila ng matinding awayan sa pagitan ng pamilya Duterte at ng pamilya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ikinampaniya rin ni VP Sara si Sen. Imee nitong nakalipas na May 2025 polls.