-- Advertisements --

Sinimulan na ng Office of the Ombudsman ang preliminary investigation sa umano’y maling paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.

Nag-ugat ang imbestigasyon ng Ombudsman sa isinumiteng Committee Report ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinangungunahan ni Representative Joel Chua sa opisina ng Ombudsman.

Kayat itinalaga ng Ombudsman bilang “nominal complainant” sa nagpapatuloy na imbestigasyon si Rep. Chua na kumakatawan sa naturang komite.

Maliban naman kay VP Sara, kabilang sa mga pinangalangang respondent sa reklamo at inatasang maghain ng kanilang counter-affidavits ay ang limang opisyal ng DepEd na sina special disbursing officers Edward Fajarda at Gina Acosta; assistant secretary Sunshine Charry Fajarda, director for Strategic Management Office; retired Maj. Gen. Nolasco Mempin, undersecretary for Administration at Annalyn Sevilla, undersecretary for Finance Service.

Ipinag-utos din na magsumite ng kanilang counter-affidavits ang apat na opisyal ng OVP kabilang ang chief of staff ni VP Sara na si Usec. Atty. Zuleika Lopez, assistant secretary and assistant chief of staff Lemuel Ortonio at Lt. Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Dante Lachia ng Vice Presidential Security and Protection Group.

Kahapon, kinumpirm ng OVP na natanggap na nito ang order mula sa Ombudsman na tumugon sa reklamo ng Kamara may kaugnayan sa umano’y maanomaliyang paggasta ng confidential fund.

Subalit, nilinaw naman ng tagapagsalita ng House of Representatives na si Atty. Princess Abante kahapon na hindi umano complainant ang Kamara sa kaso laban sa Bise Presidente na nasa Office of the Ombudsman.

Aniya, maaaring inaaksyunan lamang ng Ombudsman ang committee report na in-adopt ng House na nagrerekomenda na magsampa ng mga kaso laban sa Bise Presidente subalit nilinaw na hindi umano naghain ng complaint ang Kamara.

Kung hindi naman umano ito reklamo, tanong ni Ombudsman Samuel Martires bakit nagbigay ng kopiya ng committee report ang Kamara sa kanilang imbestigasyon sa mga alegasyon laban kay VP Sara. Natanggap na anila ito kayat hindi nila ito uupuan sa halip kanila itong iimbestigahan.

Saad pa ng Ombudsman na posibleng naguguluhan lamang si Atty. Abante. Sa huli inihayag ni Martires na ang committe report ng House panel ay kanilang tratratuhin o iuuri bilang isang complaint o reklamo.