-- Advertisements --

Binanatan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela si Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte matapos nitong kwestiyunin ang paglalagay ng US military assets, kabilang ang Typhon missile system, sa Pilipinas.

Sa social media post, sinabi ni Tarriela na ang mga pahayag ni Duterte ay nagdudulot ng “paranoia” at maling pananaw tungkol sa defense partnerships ng bansa, na aniya’y mahalaga upang maprotektahan ang soberanya ng Pilipinas.

Ayon kay Tarriela, hindi pagyayabang ang sinabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner tungkol sa kakayahan ng Typhon system na umabot hanggang China, kundi paliwanag lamang na ang mga kagamitang militar ay hindi pambabanta sa anumang bansa.

Dagdag pa niya, ang mga pahayag ni Duterte ay tila pagtatanggol sa China, dahil aniya ay kahalintulad ito ng mga taong binabalewala ang agresyon ng Beijing laban sa mga Pilipinong mangingisda at tropa sa West Philippine Sea (WPS).

Magugunitang si Rep. Duterte ay anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nagtaguyod ng mas mainit na relasyon sa China—isang polisiya na binago ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang deployment ng US missile systems at joint patrols sa ilalim ng administrasyong Marcos ay lalong ikinagalit ng China, na patuloy pa ring iginigiit ang pag-aangkin sa buong dispute waters sa kabila ng 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas.