Naghatid ng libreng sakay ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga pasaherong hirap na bumiyahe sa kasagsagan ng baha dulot ng mabibigat na pag-ulang nararanasan sa bansa.
Sa Metro Manila, partikular na sa lungsod ng Maynila, idineploy ang mga PCG bus para magbigay ng dagdag na transportasyon para sa mga nahihirapang makahanap ng masasakyan patungo sa kanilang mga destinasyon dahil wala halos bumibiyaheng mga pampublikong sasakyan.
Makikita sa ibinahaging video ng PCG na inaalalayan ng Coast Guard personnel ang mga kababaihan at senior citizens habang tumatawid sa mga binahang kalsada pasakay sa bus ng PCG.
Ilan sa mga naging ruta ng PCG bus nitong umaga ng Martes ay sa Quiapo – Angono (Rizal), Roxas Boulevard – Sucat, Lawton – Alabang at Philcoa – Fairview.
Para makasakay sa PCG bus kung hirap maka-tyempo ng pampasaherong dyip o bus, inaabisuhan ang publiko na maaaring mag-abang sa nabanggit na mga ruta.
Ang paghahatid naman ng PCG ng libreng sakay sa mga apektadong mananakay ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katuwang ang Department of Transportation (DOTr) at Philippine Ports Authority (PPA).
Sa ibang lugar naman sa Metro Manila, tulad na lamang sa Dalandanan, Valenzuela, sinerbisyuhan din ng PCG ang mga residente na kinailangang pumasok sa kanilang trabaho sa kabila ng mataas na baha sa lugar.
Ginamit naman ng Coast Guard personnel ang kanilang rescue boat para maibyahe ang ilang kabataan sa kalagitnaan ng abot-binting baha sa lugar.