Ibinunyag ni Philippine Coast Guard Captain Xerxes Fernandez na may nagaganap umanong “creeping intrusion” ng mga foreign agents sa security environment and infrastructure ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng Committee on National Defense, ipinaliwanag ni Fernandez kung paanong ilang banyagang indibidwal — partikular na ang mga Chinese — ay nakapasok sa PCG Auxiliary, isang non-government na tumutulong sa mga misyon ng PCG.
Ang rebelasyon ng opisyal ay kasunod ng babala ni Senadora Risa Hontiveros ukol sa national security laban kay Joseph Sy, isang negosyanteng umano’y nagpanggap na Pilipino at naitalaga pa bilang miyembro ng PCG Auxiliary noong 2018.
Si Sy, na chairman ng listed mining firm na Global Ferronickel Holdings Inc., ay kasalukuyang nakakulong sa Bureau of Immigration dahil umano sa paggamit ng pekeng mga dokumento.
Natuklasan na ang tunay niyang pangalan ay Chen Zhong Zhen na 60 taong gulang na ngayon ay nahaharap sa kaso ng deportasyon.
Dahil dito, nagpatupad na ng paghihigpit sa vetting process ang Philippine Coast Guard para sa mga papasok na miyembro ng PCG Auxiliary.
Inamin ng tanggapan na hindi pa ganoon kahigpit ang kanilang patakaran para sa pagtanggap ng mga PCGA members mula 2018.