-- Advertisements --
image 201

Ibinunyag ng Philippine Coast Guard na ikalawang beses ng nangyari na tinutukan sila ng nakakabulag na laser light ng Chinese vessel para itaboy ang Philippine Coast Guard vessel sa may West Philippine Sea.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG adviser ng Commandant for maritime security, una ng tinutukan ng blue laser light ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessel ng China ang tugboat ng PCG na BRP Habagat noong Hunyo 2022 habang nagsasagawa ng rotation at resupply mission.

Nangyari aniya ito malapit sa Panata island sa Kalayaan Island Group (Spratly Islands) kung saan na-expose ang mga personnel ng PCG sa blue laser light ng 20 minuto na nagdulot ng temporary blindness at pangangati sa kanilang balat.

Walong buwan ang nakalipas nang mangyari ang ikalawang insidente noong Pebrero 6 kung saan muling tinutukan ng military-grade green laser ang BRP Malapascua naman sa may Ayungin Shoal sa WPS.

Sa kabila aniya ng panibagong taktikang ito ng Chinese Coast Guard para itaboy ang Philippine vessels mula sa mahahalagang maritime features sa WPS, sinabi ng PCG official na patuloy silang magpapatrolya sa WPS para igiit ang sovereign right ng ating bansa sa lugar.

Kaugnay ng panibagong insidente, nagsumite na ang PCG ng mga video at larawan sa nangyaring insidente sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na siyang naging basehan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa paghain ng diplomatic protest laban sa gobyerno ng China.