Naghain si dating Senador at kasalukuyang Mamamayang Liberal Party list Rep. Leila de Lima ng letter-complaint laban sa ilang prosecutors dahil sa grave misconduct at gross ignorance of the law may kaugnayan sa kaniyang apela para pagtibayin ang pag-abswelto sa kaniya mula sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Inihain ng kaniyang legal counsel na si Atty. Dino De Leon ang naturang reklamo sa Department of Justice (DOJ).
Sa kaniyang letter-complaint, hiniling ng mambabatas kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na imbestigahan si prosecutor Ramon Bienvenido Ocampo kasama ang siyam na iba pang piskal para mapanagot umano sila sa kanilang mga naging aksiyon.
Iginiit ni de Lima na itinuloy pa rin ng mga prosecutor ang kaniyang drug case kahit na binawi na ng pumanaw na si dating Bureau of Corrections OIC Rafael Ragos ang kaniyang testimoniya gayundin ang inihaing motion for reconsideration (MR) para sa pagpapawalang sala sa kaniya.
Nagpahayag din ng buong kahandaan si de Lima para makipagtulungan sa anumang kailangang aksiyon para mapanagot ang mga sangkot na piskal.
Matatandaan, unang inabswelto ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 si de Lima mula sa isa sa kaniyang tatlong drug related cases noong Pebrero 2021 habang kinatigan din ng Muntinlupa RTC Branch 206 ang demurrer to evidence ni de Lima na nagbabasura sa kaniyang ikatlo at huling drug case noong Hunyo ng nakalipas na taon.