-- Advertisements --

Nagsagawa ang Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng search and rescue operations sa iba’t ibang parte ng bansa sa gitna ng masamang lagay ng panahon.

Simula ng ilunsad ng PCG ang operasyon nitong Huwebes, nasa kabuung 6,761 na ang kanilang nasagip at nailikas.

Kabilang na dito ang pagresponde ng CG District Bicol sa isang barge na inanod at sumadsad sa may pampang ng Catanduanes dahil sa malakas na alon dala ng masungit na panahon na nangyari kahapon, Hulyo18.

Wala namang nakitang tagas ng langis o polusyon mula sa sumadsad na barge at nakipag-ugnayan sa tatlong crew na lulan nito para sila’y masagip.

Nailikas din ng CG District Southern Visayas ang 151 residenteng binaha sa may barangay 1 at 2, Ilog sa Negros Occidental gayundin nasagip ng CG Sub-Station Peñablanca Deployable Response Group (DRG) ang mga residenteng naninirahan malapit sa Pinacanauan River sa Cagayan dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog.

Sa may Palawan, naman 253 residente ang nailikas matapos na malubog sa baha ang kanilang mga bahay.

Samantala, nagpadala naman ang Philippine Army ng kanilang humanitarian assistance and disaster response teams sa Northern Luzon para magsagawa ng search and rescue missions sa kasagsagan ng pananalasa ng nagdaang bagyong Crising.