-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magpapatupad ang Pilipinas ng countermeasures laban sa agresibo at delikadong pag-atake ng China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas at mangingisda sa West Phil Sea.

Sa mensahe ng Pangulong Marcos kaniyang inatasan ang Department of National Defense (DND) at iba pang mga concerned agencies na labanan ang ginagawang aksiyon ng China at maging ng kanilang maritime militia sa sa West Phil. Sea sa loob ng 370-kilometer exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Ang pahayag ng Punong Ehekutibo ay bunsod sa water cannon attack ng China Coast Guard nuong March 23,2024 sa supply boat ng Philippine Navy ang Unaizah May 4 na nag resulta sa pagkasugat ng tatlong sailors.

Inihayag ng Pangulo na sa mga susunod na linggo, dapat ipatupad na ng mga concerned agencies ang countermeasure package bilang tugon sa walang tigil, ilegal, mapilit, agresibo, at mapanganib na pag-atake ng mga tauhan ng China Coast Guard at ng Chinese Maritime Militia.

Ayon naman kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ihahayag din sa publiko ang mga gagawing countermeasures ng Pilipinas.

Inihayag naman ng Pangulo, na nag-alok ng tulong ang iba pang mga bansa sa Pilipinas ng sa gayon maprotektahan ang soberenya at jurisdiction ng Pilipinas upang matiyak ang kapapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.

Nilinaw naman ng Pangulo na ayaw nitong magkaroon ng conflict o salungatan sa anumang bansa, higit pa sa mga bansang nag-aangkin at nagsasabing kaibigan ngunit hindi ito mapipigilan na ang Pilipinas ay mananahimik sa pagpapasakop.