Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na magpapatuloy ang pag upgrade sa capabilities ng Philippine Coast Guard (PCG) at ipagpatuloy ang modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gitna ng tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ng Pangulo ang pahayag ng magsalita ito sa Lowy Institute in Melbourne, Australia, muli din iginiit nito na kahit isang pulgada ng teritoryo at maritime jurisdiction ng Pilipinas ay hindi nito isusuko.
Inihayag ng Presidente na kaniyang inaprubahan ang acquisition plan ng Armed Forces of the Philippines para sa Re-Horizon 3, na nakalinya sa kanilang Comprehensive Archipelagic Defense Concept.
Ayon sa chief executive, ang mga ahensya, pwersa, at institusyon ng Pilipinas ay nagsisikap na palakasin ang kanilang mga kakayahan at ang bansa ay nasa frontline ng mga internasyunal na pagsisikap na pangalagaan, ipagtanggol, at itaguyod ang mga alituntunin na nakabatay sa internasyonal na kaayusan.
At para matugunan ang mga pagkakaiba nito sa China, sinabi ng Pang Marcos na patuloy na makikipag-ugnayan ang Pilipinas sa higanteng kapitbahay nito sa bilateral na ugnayan at sa pamamagitan ng mga mekanismong pinamumunuan ng ASEAN.
Binigyang-diin ng Pangulong Marcos na magpapatuloy din ito, na sumunod sa 2002 ASEAN-China Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, at mananatiling nakatuon sa pakikipagtulungan sa ASEAN at China tungo sa isang epektibo at substantive Code of Conduct (COC) batay sa UNCLOS.