-- Advertisements --

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang ‘Philippine Salt Industry Development Act’ na layong palakasin at buhayin muli ang industriya ng asin sa Pilipinas bilang bahagi ng mga pagsisikap ng administrasyon na itaguyod ang pag-unlad ng mga kanayunan at pagsulong ng mga rural areas.

Batay sa 23-pahinang batas na nilagdaan ng Presidente, binanggit na ang mga salt farmers ay bibigyan ng angkop na teknolohiya at pananaliksik, sapat na pinansyal, produksyon, marketing, at iba pang mga serbisyong suporta upang buhayin ang industriya, makamit ang pagtaas ng produksyon, sapat na suplay, at maging susunod na exporter ng asin ang bansa.

Magkakaroon naman ng Philippine Salt Industry Development Roadmap upang tiyaking maaabot ang layunin ng batas na nakatutok din sa mga layunin at patuloy na implementasyon ng Republic Act No. 8172 o Asin Law (An Act for Salt Iodization Nationwide).

Maliban dito, itatatag din ang ‘Salt Council’ para sa unified at integrated implementation ng salt roadmap at mapabilis ang modernisasyon at industrialization ng Philippine salt industry na pamumunuan ng Department of Agriculture (DA).

Magkakabisa ang nasabing batas labinlimang araw pagkatapos na malathala ito sa Official Gazette o sa dalawang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.