Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng ayuda at paghahatid ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga katutubong komunidad sa ilalim ng programang “Handog ng Pangulo: Tulong at Serbisyo Para sa Indigenous People Communities” sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City ngayong araw.
Personal na nakausap ng Pangulo ang humigit-kumulang 500 miyembro ng Sama Bajau community, kung saan binigyang-diin niya ang layunin ng administrasyon na mapaangat ang kanilang kabuhayan at maiwasang muling mapunta sa lansangan. Ayon sa Pangulo, bahagi ng programa ang paglapit ng pamahalaan sa mga komunidad na madalas hindi naaabot ng serbisyo ng gobyerno.
Hinikayat ni Marcos ang mga katutubo na huwag mag-atubiling lumapit at magtanong sa mga ahensya ng gobyernong dumalo sa aktibidad. Tiniyak din niya na magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong at programang nakatuon sa kapakanan ng mga katutubo.
Nagpasalamat ang Pangulo sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga City dahil sa pakikipag-ugnayan nito sa national government para sa mas maayos na implementasyon ng mga programa.
Kasabay ng programa ang paglatag ng iba’t ibang serbisyo sa Sinunuc Covered Court, kabilang ang food assistance, livelihood support, at access sa iba pang ayuda ng pamahalaan.
Nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tig-P10,000 sa 500 IP families sa ilalim ng AICS program; grocery packs na nagkakahalaga ng P3,000 sa 71 pamilya; family food packs para sa 500 pamilya; at tig-P15,000 na tulong pangkabuhayan sa 100 benepisyaryo sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program.
Namahagi din ang Pangulo ng 10 fishing boats, kumpleto sa accessories, para sa mga miyembro ng Maasin Fisherfolk Association sa Sinunuc shoreline.
Bahagi ang mga inisyatibang ito ng mas malawak na programa ng administrasyon upang matiyak na walang komunidad ang maiiwan sa pag-unlad ng bansa.
















