-- Advertisements --

Kuntento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa progreso ng tulong na ibinigay ng pamahalaan para sa mga kababayan natin sa Cebu na naapektuhan ng malakas na lindol.

Ngayong araw, muling bumisita ang Pangulo sa “tent city” na itinayo para sa mga residenteng nawalan ng tahanan dahil sa naranasang malakas na lindol.

Ayon sa Pangulo, layunin ng kanyang pagbisita na inspeksyunin kung naiparating na ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong pamilya. 

Kasama niya sa pagbisita si Philippine Red Cross Chairman at dating Senador Richard “Dick” Gordon.

Sa panig naman ni Chairman Gordon, pinuri niya ang pamumuno ng Pangulo na personal na tinututukan ang paghahatid ng ayuda sa mga kababayan natin.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo na lahat ng nawalan ng bahay ay mayroon nang pansamantalang tirahan, kahit pa tent lamang. 

Sinimulan na rin umano ang pagpapalit ng mga lumang tent ng mas matitibay na modular shelters.

Nagpasalamat ang Pangulo sa mga first responders, volunteers, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa kanilang mabilis na pagtugon. Aniya, hindi ito isang “one-time” na tulong, kundi tuloy-tuloy ang suporta ng pamahalaan.

Isa rin sa mga napansin ni Pangulong Marcos ay ang inisyatibo ng Red Cross na maglagay ng maliit na swimming pool para sa mga bata.

Tiniyak din ng Pangulo na kompleto ang serbisyo sa lugar may pagkain, malinis na tubig, maayos na palikuran, at iba pang batayang pangangailangan.

Naipamahagi na rin umano ang cash assistance at construction materials mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) upang makapagsimula ang mga residente na muling itayo ang kanilang mga tahanan.