Tiniyak ng Presidential Communications Office (PCO) na hindi magpapaabala si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kumakalat na disinformation sa social media patungkol sa kanyang kalusugan, at sa halip ay nakatutok ito sa paglutas sa nararanasang energy emergency sa bansa.
Ayon kay PCO Acting Secretary Dave Gomez, ang biglaan at planadong pagkalat ng maling impormasyon na natukoy ng kanilang Anti-Fake News Desk ay isang malinaw na pananabotahe. Ibinunyag ng kalihim na maging ang mainstream media ay nabiktima na rin ng malawakang atake ng mga trolls.
Sa kabila ng ingay at isyu, iginiit ng ahensya na hindi apektado ang pagtutok ng punong ehekutibo sa mga problema ng bansa.
Kinuwestiyon din ng opisyal ang tiyempo ng mga nasabing atake, na layunin lamang umanong guluhin ang kasalukuyang administrasyon.
Upang matuldukan ang paninira, inihayag ni Gomez na masusing idinodokumento at tinutunton ng gobyerno ang mga indibidwal na nasa likod ng fake news upang pormal na sampahan ng kaso sa susunod na linggo.
Matatandaang una nang pinabulaanan ng Pangulo ang mga isyu at tiniyak sa publiko na nasa maayos siyang kondisyon. Nanawagan din ito sa mga mamamayan na huwag seryosohin at agad paniwalaan ang lahat ng kanilang nakikita sa social media.
















