Itinanggi ng Presidential Communications Office na pangunahing layunin sa inilunsad na ‘Oplan kontra Fake News’ ang maproteksyunan si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Binigyang diin ni PCO Sec. Dave Gomez na ang naturang inisyatibo ay para mapangalagaan ang kapakanan ng publiko hinggil sa pagkalat ng maling impormasyon.
“Hindi yun ang pangunahin ano, ang pangunahin dahilan ay sa paglunsad nitong oplan kontra fake news is mapangalagaan ang ating mga kababayan especially in times of national emergencieS,” ani PCO Sec. Dave Gomez.
Aniya’y bago pa man magkaroon ng isyu ukol sa kalusugan ng pangulo at pati digmaan sa Gitnang Silangan, nakabantay na ang opisina sa mga ‘fake news’ nalabas online.
Ibinahagi ng naturang kalihim na pinangangambahan nila sa pagkalat ng ‘fake news’ ay magdulot ito para mag-panic ang publiko lalo na sa panahon ng kalamidad o ‘national emergencies’.
Ngayong araw, katuwang sina Department of Justice Sec. Fredderick Vida at Department of Information and Communications Technology Sec. Henry Aguda, kanilang nilagdaan ang kasunduan para isulong ang laban kontra fake news.
















